Bakit ba nauso pa ang mga superstition at kung anu-ano pang kabuwangan ng tao?
Suminghot siya. “E di… bigyan n’yo ho ako ng a week or two, Mrs. Cuervas. Magpapapayat ho ako para matanggal ko to.”
“You don’t have to be in a hurry, Liza,” ani Mrs. Cuervas na ngumiti kay Divie. Nasa isang sopa si Divina. “Ang importante’y mabalik sa anak ko ang singsing para maibigay niya kung kanino nauukol.”
“Dinaramdam ko ho ang mga pangyayari, Misis,” ani Divina. “Sabi ko nga sa inyo kanina, hindi ko ho naman talaga gustong tanggapin yan mula ke Sammy pero –”
“I understand,” ani Mrs. Cuervas na tumayo na. “And as I have also said, you don’t have to apologize, Divina.”
“Huwag nyo na hong palitan ang singsing na iyan, Misis.”
Umiling ito. “Kailangang may kapalit. Kung ayaw mo ng singsing, kahit anong token na lang. Anything as symbolic. What about a gold necklace?”
“Kailangan ho ba talagang me kapalit pa yan?”
“Oo naman,” anang ginang. Tinanggap mo na kasi, e. Iha, hayaan mo na lang kaming mga matatanda sa aming mga pamahiin. Wala namang mawawala sa ‘yo. Sa akin e meron. Peace of mind.”
“Mrs. Cuervas,” ani Liza. “Mahal din ho ang gintong kuwintas. Ano na lang ho kaya… stationary bike. Magagamit ko pa sa pagre-reduce. Mas makakamura pa kayo.”
“STATIONARY bike!” nagtatawang sabi ni Rado nang makaalis na si Mrs. Cuervas at ito’y lumipat sa apartment ng mga kapitbahay. “Okey nga ‘yon. Liza, makikigamit din ako, ha?”
“Hindi talaga sa akin yon,” aniyang tumingin kay Divie. Katabi ito ng binata sa mahabang sopa nila. “Sa ‘yo ‘yon, di ba? Pagkat kapalit yon ng singsing na ‘to.”
Inakbayan ni Rado ang nobya. “Hindi mo na kailangan ng stationary bike, love. Kami na lang ni Liza ang gagamit. Tumataba na rin ako, e.”
“E pa’no namang hindi?” ani Divie. “Tumatakaw ka na rin at walang tigil sa kaiinom ng beer araw-araw.”
“Okey lang ang metabolism ko,” ani Rado. “Ang kailangan ko lang ay exercise. I don’t have to undergo dieting.”
Napasimangot si Liza. Napatingin sa suot na singsing. “Putris na singsing to… mawawala pa ang tanging kaligayahan ko sa buhay dahil dito.”
Napahagikhik si Divie. “Palitan mo na ng iba ang kaligayahan mo sa buhay,” sabi nito.
“Kasabihan nga, ‘Hindi lang sa tinapay nabubuhay ang tao.’ And we eat to live, not live to eat.”
Pabirong itinanong niya kay Rado: “Brod Pete, este, Brod Rad, yon ba’y nasusulat sa aklat ng ‘Ang Dating Doon?’”
Nagkatawanan sila dahil sa pagtukoy niya sa segment na iyon ng isang TV sitcom.
“Oo, kapatid,” ani Rado. “Yan ay nasusulat. Kaya magtika — este, magdiyeta ka na! Mula bukas, ang aalmusalin mo e isang pandesal at ‘sang tasang kape na lang.”
“Oh my God!” aniya. “Ngayon pa lang e ginugutom na uli ako!”
No comments:
Post a Comment