“Oo nga,” ani Divie. “‘Yon nga ang sabi ko sa ina ni Sammy.”
Awtomatikong napahawak si Liza sa singsing na nasa panggitnang daliri ng kanyang kaliwang kamay. Hinugot niya iyon. Pero hindi niya maalis. Itinodo niya ang paghila. Nasaktan na siya pero ayaw pa ring dumulas ni bahagya man ang singsing.
“Rad, bakit di ko na yata maalis ‘to?” parang naiiyak niyang baling sa binata. “Tulungan mo nga ako…”
“Hayan kasi…” sabi ni Rado na hinawakan ang kaliwang kamay niya. “Mula kasi n’ong holiday e umarya ka nang umarya sa katakawan. Lalo ka tuloy lumobo.” Hinila nito ang singsing. “Hmmmmph…!”
“Aray ko naman!” ngiwi ni Liza. “Rado, nasasaktan ako!”
Teka,” ani Divie. “Lagyan mo kaya ng sabon o langis?”
“Oo nga,” ani Rado. “Halika…”
Nagtungo sila sa kusina. Una, sinubok nilang gumamit ng sabon. Hindi pa rin mahugot ang singsing. Namula at lalong naging parang sausage ang daliri ni Liza. Lalo nga pala siyang tumaba at lumaki pa yata ang kanyang mga buto sa gitna ng daliri, ngayon niya mas napatunayan.
Sinubok naman nilang lagyan ng mantika. Parang lalo pang sumikip ang sinsing.
“Naku, Divie,” mangiyak-ngiyak na niyang sabi. “Paano kaya to? Hindi talaga matanggal, e!”
“Kailangang mag-reduce ka muna bago mahugot ‘yan,” ani Rado. “Ang mabuti pa’y sumama ka na lang kay Divie para makita ni Mrs. Cuervas.”
“Oo nga,” ani Divie. “Halika na.”
NAGBALIK sila ni Divie sa kanilang apartment. Mabait naman si Mrs. Consuelo Cuervas.
Napatawa pa ito nang makita si Liza na umiiyak. “Ipinahiram ho kasi ito ni Divina, Mrs. Cuervas,” aniya. “Kasi nga ho’y maluwag sa kanya at natatakot siyang mawaglit habang nagdya-jogging kami noon sa Baguio.”
Inakbayan siya ni Mrs. Cuervas sa pagkakaupo nila sa mahabang sopa. “Huwag ka nang umiyak,” sabi ng babaing may katabaan din at kapareho ng sa kanya ang estilo ng buhok. Malaki ang similaridad nila ng nakatatandang babae. Para siyang younger version nito.
“Minsa’y nangyari na rin sa akin ‘yan, iha. Tumaba na nga rin ako. Kinailangan ko pang mag-aerobics, mag-jogging at mag-diet sa loob ng mahigit na tatlong buwan para lang maalis ko iyan sa daliri. Ang balak ko’y sa panganay kong si Mark iyan ibigay bago sila makasal noon ng manugang kong si Madelene. Pero huli na. Kaya kay Sammy ko na lang ipamamana.”
“Hindi ho ba kayang alisin ito ng platero, Misis?” Ayaw niyang mag-aerobics at mag-jogging tuwing umaga. At lalo nang ayaw niyang mag-diet.
Umiling ang babae. “Puwedeng tanggalin yan ng platero. Paplaisin lang iyan. Pero masisira. Mapuputol. Alam mo ba ang sinisimbolo ng lahat ng singsing? Infinity. Sa numerology, ang zero o bilog ay hindi lang nangangahulugang nothing. It also means infinity. Hindi ko gustong maputol ang singsing na ‘yan, Liza. Malas ‘yon.”
No comments:
Post a Comment