Thursday, 15 November 2012

My Neighbors kabanata 1-1


“NAPAKASAKIT talaga, Kuya Mark…!”

Napasigok pa si Sammy matapos ang paghihinga ng sama ng loob sa nakatatandang kapatid. Magkakalahati na ang iniinom nilang isang boteng Chivas Regal nang gabing iyon, huling araw ng Linggo ng Abril.

Dumampot si Mark ng pulutang hipon sa plato. Isinawsaw nito iyon sa toyong nasa platito at isinubo, kasunod ang pagsimsim ng whiskey.

“Sam,” sabi nito, “you can’t win them all.”

“I don’t mind losing once in a while, Kuya. Kaya lang… para talaga akong ginago ng babaing yon!” Kasunod niyon, mabilis na pinahid niya ang luha sa mukha sa pamamagitan ng isang palad. “Tagay pa, Kuya?”

“Lasing ka na, tol,” natatawa at naiiling na sabi ni Mark bagaman ito’y halatang naawa sa kanya. “At huwag kang ngumalngal dyan na parang bata. You’re a 26-year-old civil engineer, ano ka ba?”
Suminghap ng hangin si Sammy at pinayapa ang sariii. Kinuha niya ang bote ng Chivas, sinalinan ang baso ng kanyang kuya at pagkuwa’y ang sariling baso naman ang tinagayan.

“Akalain mong masulot pa ako ng Rado Vargas na yon ke Divina!” aniya. “Sinamantala niya ang pagiging subordinate ni Divie. Office supervisor siya, section chief. Siyempre, madali na nga niyang mapapaibig ang isang tauhan niya sa opisina. On top of that, Kuya Mark… magkapitbahay pa sila sa Quezon City.”

“May kasabihan, Sammy,” ani Mark na tulad niyay isa ring civil engineer at nakatatanda sa kanya lang nang dalawang taon, “everything is fair in love and war.”

Napailing siya. Ginamit ang choptsticks sa pinupulutan nilang pritong hipong binalutan ng arina, isinawsaw sa toyong nasa isang platito at isinubo.

Habang ngumunguya, iginala niya ang tingin sa maliit na hardin ng kanilang parental house na iyon sa San Juan, Metro Manila.

Doon sila inabot ng dilim sa pag-iinuman, sa ilalim ng isang hugis payong na shed na ang rim ng bilog na bubong ay nalilinyahan ng maliliit na bombilyang de-kulay, nagsisilbing ilaw nila.

“Parang lumalabas din, Kuya, na kinatalo ng Radong iyon ang Kumpareng Dante mo,” aniya nang wala nang laman ang bibig. Kinuha niya ang kanyang baso. “Hindi ba’t magkabarkada sila?”


No comments:

Post a Comment