Friday 23 November 2012

My Neighbors kabanata 9-4



Inosente at malinis na pagkagusto. Infatuation. Kung mapanghahawakan ko pa rin sana ang nararamdaman mo ngayon two or three years from now. Muli, bumuntunghininga siya. Naalala niya si Sammy. Palagay ko’y kailangan ko pa rin ang kooperasyon mo, Sammy. Para matapos na talaga ang kahibangan ng batang ito!

MAYAMAYAY tumuwid sa pagkakaupo si Boboy. Hindi ito makatingin sa kanya. Tumayo ito at pauga-ugang kinalag ang nylon cord sa pagkakatali. Pagkuwa’y inikid sa isang braso.

“Hahanapin ‘to ni Inay bukas,” ang sabi. “Sori uli, inabala ko’ng pagtulog mo. Hindi lang talaga ako mapalagay hangga’t di kita nakikita ngayon.”

Tumango siya. “Okey lang. Gusto mong igawa kita ng kape para mas madali kang mahulasan?”

Umiling ito. “Thank you na lang. Matutulog na lang ako. Baka magising pa kasi si Mam — si Inay, babatukan ako no’n. Buti na nga lang, hindi ako sinapak ni Kuya Rado, e.”

“Sus, papatulan ka ba niyon e nakainom ka?” Nauna siyang bumaba sa swing. “Halika… baka matumba ka na naman d’yan at mauntog.”

Humawak ito sa kanang palad niya nang umibis na sa swing.

“Guwapo naman pala ang BF mo, e,” sabi nito. “Gara pa ng tsekot.”

Diyos ko, magwawala siguro ito kapag nalamang hindi ko naman talaga nobyo si Sammy. Kailangan ko pa talaga ang kooperasyon niya.

“Balang-araw,” aniya, “kapag nakatapos ka na ng pag-aaral at nagkatrabaho ka na, makakabili ka rin ng gano’ng kotse.”

“Oo. Kahit nga gaya lang ng kotse ni Kuya Rado, okey na sa ‘kin. Marunong na ‘kong magmaneho. Natuto ako sa Lucena.”

May napansin siya sa sahig ng swing. “Naiwan mo yata ang harmonica mo.”

Pinulot ni Bobby ang harmonica at ipinamulsa sa likod ng pantalon. Pagkuwa’y tinungo na ang gate.

“Goodnight, Liza.”

“Goodnight.”

“1 love you.”

“Heh! Tulog ka na.”

Yuko ang ulong lumabas na ito at lumipat sa kabilang apartment.

Nakakaawa naman. Tingin ko’y sincere naman siya at… aw, shit!

No comments:

Post a Comment