Friday 23 November 2012

My Neighbors kabanata 7-6



ALAS-DIYES, umorder ito ng hamburger para sa sarili, sa Tropical Hut, isa sa mga eateries sa loob ng Circle, at para naman kay Liza ay fruit salad minus the cream: melon, papaya, pinya, pakwan, ubas at mansanas. Ipina-blender ni Sammy ang buko at iyon ang ipinalit sa cream.

“Sigurado kang low-calorie food ito?” tanong ni Liza.

“Oo naman. Pang-cleansing diet nga ang mga prutas, e. Siyanga pala, madedestino ako sa Baguio starting next week.”

“Me proyekto kayo roon?”

“Oo. Kasama ko ang kapatid ng kaibigan mo.”

“A, si Dante? Baka magkita silang magkapatid sa Bulacan mamaya. Uuwi sila roon, kasama si Rado, para dumalaw sa mga parents nila. Hanggang kelan kayo sa Baguio, Sam?”

“Two weeks lang sana. Pero nagbago’ng isip ni Dante, e. Tatlong linggo na raw kaming mag-i-stay roon.”

“Di ba kayo puwedeng umuwi on weekends?”

“Siya, puwede. Pero ako’y hindi. Puro pagbubuhos kasi ng aggregate — masang semento — ang malaking bahagi ng trabaho. Isang gym sa Camp John Hay. Flooring pa lang, mahihirapan na kami. Hindi patag ang ground doon, di ba? Mahirap tantiyahin ang bolyum ng aggregate.” Lumagok ito ng softdrink bago nagpatuloy. “Kapag naumpisahan ang pagbubuhos ng semento, hindi puwedeng basta itigil. Otherwise, baka maampaw.”

“A, oo,” aniya. “Alam ko ‘yan. No’ng ginagawa ang bahay namin sa Urdaneta, me isang haliging kinapos ng semento. Nagpamasa uli ang foreman kahit gabi na. Ayaw niyang magkaroon ng parang dugtong ang haligi.”

“Right,” ani Sammy. “Kapag madalian ang trabaho at may deadline, kahit araw ng pangilin ay tuluy-tuloy lang, lalo na nga kung concreting.”

“Well… ayaw mo ba n’on?” Ngumiti siya nang maluwang kay Sammy. “Masarap mag-stay sa Baguio. At baka magkita tayo roon. Kasi, doon na nakatira ang Kuya Jun ko. Nakabili sila ng bahay roon last April.”

“Talaga?”

“Oo. Malapit nga lang ang bahay nila sa Camp John Hay, e. Mga half a kilometer south of it, paibaba. Pag dumalaw ako sa mamang ko sa Urdaneta, tutuloy na rin ako kina Kuya sa Baguio.”

“E kelan ka ba dadalaw sa mamang mo?”

“Maybe next month.”

“Mas masarap mag-jogging sa Baguio, Liza.” Ngumiti rin nang maluwang sa kanya ang binata. “One weekend next month, doon naman tayo.”

“Sige.”

No comments:

Post a Comment