“Tutuksuhin ka niyang kumain kayo sa mga restaurant doon,” ani Rado. “At walang pipigil sa yo. Nakakahiya namang bumuntot kami ni Divie sa inyo. No, hindi puwede!”
Napaiyak na siya. “Rado naman, e! Mapapahiya ako!”
Siniko ni Divie si Rado na katabi nito sa mahabang sopa. “Sige na,” anas nito. “Payagan mo na nga.”
Pabuntunghiningang ibinaba ni Rado ang mga tiles nito. Tumayo ito at naupo sa katangan ng sopang inuupuan ni Liza. Inakbayan siya nito.
“Wala naman talaga kaming karapatan ni Divie na pagbawalan ka,” anito. “But you agreed na kami ang maging watchers mo sa pagda-diet. Puwede ka naming pagbawalang kumain even against your will — and that’s the idea. We love you, Liza. Gustung-gusto namin ni Divie na mabalik ka sa dati. Hindi lang para maalis na sa kamay mo ang singsing na ‘yan. You know it’s more than that…”
Yumuko siya at ginamit ang laylayan ng kanyang duster sa pagpapahid ng luha. Na-guilty siya sa sinabi ni Rado. Wala siyang masabi.
“Pero… okey, Liz,” dugtong ni Rado. “Baka nga sabihin ni Sammy na wala kang palabra de honor. Pinapayagan na kita. You can go to the QMC with him to jog.”
Muntik na siyang mapalundag lalo na nang marinig ang mga salitang “go to.” Napayakap siya sa binata. “Oh, thank you so much, Rad! I promise, hindi ako sasama sa kanya kapag niyaya niyang kumain sa restaurant. I won’t go to — I mean, go with him.” Doon lang kami sa mga goto stand. Sarappp…!
ALAS-SAIS ng umaga nang mag-doorbell si Sammy sa apartment nina Liza kinabukasan.
Naka-green and yellow jogging pants na siya, katerno ng isang dark cream long-sleeved shirt blouse, nang buksan niya ang pinto.
Naka-white shorts, green t-shirt ito, at headcap na puti rin, tulad ng shorts at de gomang sapatos na tatak Nike.
“Good morning,” sabi nito. “Hey, you look great, Liza!”
“Thank you,” aniya. “Halika, magkape tayo.”
Pumasok si Sammy. Matapos makaupo ito ay nagtungo sa kusina si Liza. Pagbalik sa salas, may dala siyang isang tray ng kape para sa dalawa at pagkain.
“I am allowed to drink a cup of coffee or tea and eat one pandesal for breakfast,” aniya nang ibinababa na sa center table ang tray. “Pero iginawa kita ng ham sandwich.”
No comments:
Post a Comment