Tumango siya. Mahigit na dalawang taon pa lang naman ang karanasan niya sa aktuwal na engineering work. At parang ngayon pa lang niya ganap na natututuhan ang napag-aralan sa kolehiyo.
“Kelan uumpisahan ‘yon, Dante?”
“First week of June. Dalawa o tatlong linggo tayong mag-i-stay sa Baguio.”
“Ayos. Masarap ding mag-goodtime doon, di ba?”
“Oo, lalo na kung lagi mo akong ililibre.”
Napatawa siya. “Talaga bang inu-audit ng misis mo ang suweldo mo to the last centavo?”
“Hindi naman, oy. Pero… putsa, mas malaki pa ngang kumita sa akin si Ellen, e. Gano’n lang siya kahigpit dahil akala niya, kapag walang bawas ang pay envelope e obligado akong maging good boy.”
Muli, natawa siya. “Hindi n’ya alam… me budget tayo mula sa mga suppliers ng materyales, ‘no?”
“Hoy, hindi ko ugaling tumanggap ng pera sa mga ‘yon. Hanggang food and drinks lang ako.”
E bakit mas modelo pa ang kotse mo kesa kotse ni Kuya Mark? “I believe you, pare. O, sige, ha? Isama mo ‘ko sa Baguio. At pag nag-goodtime tayo, magtitiis akong walang kateybol h’wag lang ikaw ang mawalan.”
“Tado!” Humalakhak si Dante. “Binu-blueprint na nga pala ‘yong plano ng trabahong ‘yon. Tsekin n’yo agad. H’wag kang masyadong magtitiwala sa computer data, pare. Lalo na sa cost estimate. Magtanong ka sa market. Matuto kang mag-survey. Para ano pa’t naimbento ang telepono?”
“Yes, sir. Mag-a-undertime nga pala ako nang kalahating oras ngayon.”
“Bakit?”
“May ka-lunch date ako.”
“Na naman! Pag-igehin mo’t baka masulot ka na naman, pare!” Kasunod niyon ay mas malakas na pagtawa.
Salbahe kasi’ng utol mo, e! “Iba ito ngayon, pare. Wika nga’y diversion ko lang.”
“O, sige. Enjoy yourself.”
Tumayo na siya at nagbalik sa third floor.
No comments:
Post a Comment