Thursday, 15 November 2012

My Neighbors kabanata 2-3


“Ewan ko lang.”

“Gutom na ‘ko. Ang tagal naman ng lunch break!”

“Sus! Sangkatutak na sinangag na nga ang inalmusal mo kanina sa bahay, e!” Tumawa si Divina. “At spaghetti na naman ang mineryenda mo kanina. Hoy, Eliza… mag-diet ka na nga para mabalik sa dati ang beauty mo. Hindi ka naman dating ganyan two years ago. Two years ago, kasingseksi mo si Mickey Ferriols. Ngayon, para ka nang si Ruby Rodriguez.”

“Oo nga naman, Liza,” ani Mrs. Rina Santos na ang computer desk ay nasa bandang kaliwa niya. “Ang ganda-ganda mo nga no’n.”

Natahimik siya. Saglit na naglaro sa imahinasyon niya ang dalawang TVpersonalities na binanggit ni Divina, sina Mickey Ferriols at Ruby Rodriguez ng noontime TV show na “Eat Bulaga.” Napakaseksi ni Mickey at tabatsoy naman si Ruby bagaman may hitsura rin.
Kasalanang lahat ito ng tarantadong ex-BF ko!

ANG tinukoy ni Liza sa sarili ay si Marvin Ramones, childhood sweetheart niya sa Urdaneta, Pangasinan. Sabay silang nakatapos nito ng computer science course sa University of the East three years ago. Ka-batch nila si Divie na ngayo’y mag-iisang linggo pa lang na section chief nila.

Nauna siyang matanggap sa trabaho kaysa kay Marvin. Naging matalik niya kasing kaibigan si Divie sa UE. Nang mapasok si Divie sa kompanya nila, makaraan lang ang dalawang buwan ay pinuntahan pa siya nito sa Urdaneta para lang sabihin na siya man ay maipapasok ng Kuya Dante nito sa Metropolitan Development Corporation Inc. (MDCI).

Dating chief project engineer ng kompanya ang Kuya Dante ni Divie. Kaya puwedeng magrekomenda ng job applicant. Lumipat si Dante sa Countrywide Builders Inc., sister company ng MDCI, na ang main offices ay nasa Pasig City. Doon din nagtatrabaho si Engr. Sammy Cuervas, ang nagbigay kay Divie ng engagement ring na suot niya ngayon.

Makaraan ang isang taon pagkagradweyt, hindi pa rin napapasok sa trabaho ang nobyo niyang si Marvin. Umistambay lang ang binata sa Urdaneta. At bumarkada sa mga estudyante sa St. Louie University sa Baguio, na ang ilan ay dati nilang kaklase sa haiskul pero hindi agad nakapagpatuloy ng pag-aaral.

Naging madalang ang kanilang pagkikita. Naka-share pa kasi niya si Divie sa isang apartment na maayos naman. Tig-isa sila ng kuwarto. Para na rin siyang nasa sariling bahay. Kaya naging tamad siya sa pagdalaw sa kanyang mamang sa Pangasinan.

Hanggang mabalitaan na lang niyang may nabuntis na dalagang taga-Dagupan City ang kanyang nobyo. Sa ngayon, doon na nakatira si Marvin. Maykaya raw ang napangasawa.

No comments:

Post a Comment