Friday 23 November 2012

My Neighbors kabanata 11-5



INABOT lang sila ng alas-diyes sa beerhouse na iyon. Pagbalik nila sa Palomino, nakatulog agad si Dante. Magka-share sila sa isang kuwartong may dalawang kama para makatipid.

Kompanya nila ang gumawa ng hotel na iyon kaya may discount silang 35%. Limang araw lang na accommodation ang ibinigay sa kanila ng kompanya. Pagkatapos ng limang araw, sariling gastos na nila, sila na ang magbabayad sa hotel.

“No problem,” patungo pa lang sila sa Baguio ay sinabi na ni Dante. “Sagot ko na ang 10-day hotel accommodation natin, Sam. Mahigit ding eleven thousand pesos yon.”

Napangiti lang siya at hindi na umimik. Naisaloob, Sino kaya ang nag-donate? A, baka ‘yong binilhan namin ng pintura o kaya ‘yong supplier ng mga bakal. Magkano nga ba inabot ‘yon lahat-lahat? Mahigit one million. Naku, e barya nga lang ang eleven thousand na sideline niya roon!

Ngayon, habang naghihilik na si Dante sa katapat na kama, gising pa rin si Sammy at nakatingin sa kisame. Buhay pa ang kanyang lampshade. Ang nasa isip pa rin niya ay si Liza.

Nang hindi pa rin makatulog, pasado alas-onse na, dinampot niya ang telepono, humingi ng linya sa operator at idinayal ang numero ng telepono nina Liza sa apartment ng mga ito.

“HELLO…?”

Si Divina. Tumikhim siya. “Hello, Divie. Si Sam…”

“T-tulog na si Liza. Gigisingin ko ba?”

“Hmmm… h’wag na lang. Akala ko lang e nag-i-scrablle kayo at —”

“Tulog na siya kanina pa at ako nama’y nagpapaantok lang sa swing nang tumunog ang telepono. A-ang totoo, ikaw ang naiisip ko kanina pa. Nariyan ba si Kuya?”

Napabuntunghininga siya at tinapunan ng sulyap ang natutulog na si Dante. “Tulog na rin. Maaga kasi siyang uuwi na bukas. Gusto mong gisingin ko?”

“Huwag na…”

“Bakit mo naman ako naiisip, Divie?”

Hindi agad nakasagot si Divina. Isang maikling buntunghininga rin muna ang ginawa nito. “Sammy…”

“Yes.”

No comments:

Post a Comment