Friday 23 November 2012

My Neighbors Kabanata 7-1



KAHIT disiotso anyos pa lang si Roberto Vargas Gonzales o Boboy, kasingtakad na ito ni Rado at mas maskulado ang pangangatawan.

Hindi ito kayumangging tulad ng pinsang-buo, at kaya lang parang brown-skinned din ay halatang sunog sa araw ang mamula-mulang kutis. Pagkatapos kasi ng high school ay isang taon itong nahinto sa pag-aaral. Napasama ito sa crew ng isang malaking bangkang pangisda, kaya nasunog ang balat sa isang taon ng pagdaragat.

Flat-top ang gupit ng buhok nito, at aywan ni Liza kung sinasadya nitong magsalita na parang si Robin Padilla, “the Bad Boy of local movies,” pagkat malaki ang similaridad nito sa nasabing aktor.

Isinama ni Rado ang mag-ina sa apartment nina Liza at Divie nang gabi ring iyon.

Hindi nakaparagan sa pantalon nitong kupasing maong ang itim na long-sleeved shirt nang ipakilala ito ni Rado kina Liza at Divie. Pero mababakas pa rin na malapad ang dibdib nito lalo na’t wala sa uhales ng kamisadentro ang dalawang butones mula sa leeg.

“Boboy for short, “ani Rado matapos mabanggit kina Liza at Divie ang buong pangalan ng binata.

“Anong Boboy?” reklamo nito sa pinsan. “Excuse me, Kuya Rado. Hindi Boboy. It’s Bobby. Capital B, o, b —”

“Huwag ka nang magpaguwapo pa, anak,” putol dito ng 48 taong gulang na inang si Tiya Lucy. “Guwapo ka na. H’wag mo nang gawing Bobby ang Boboy dahil hindi ko na ‘yon mababago. Mapapahiya ka lang pagkat lagi kitang tatawaging Boboy.” At humagikhik ang medyo patpating biyuda.

“Pambihira naman, o!” namumulang irap nito sa ina. “Boboy na nga ‘ko sa Lucena, hanggang dito ba naman sa Maynila e Boboy pa rin? Basta si Bobby na ho ako mula ngayon, Mama!”

Inararo ito ng kurot ni Tiya Lucy sa tagiliran. “Anong Mama? Tarantadong ‘to…um! Umm, mayabang!”

“Aray ko naman, Inay!” natatawa nang sabi nito. “Masakit iyon, a!”

Nagkatawanan na lamang sila.

No comments:

Post a Comment